Paggunita at Pagmamapa sa Nawawalang Obrang 500 Years of Philippine History ni Carlos “Botong” Francisco
Abstract
Noong 2021, inilagak sa YouTube ang dihital na bersiyon ng lumang bidyo tungkol sa 1953 Philippines International Fair. May maikli itong bahagi na nagpapakita sa halos kabuuan ng nawawalang mural na 500 Years of Philippine History (1953) ni Carlos “Botong” Francisco. Sa pamamagitan ng ilang imaging software, bumuo ang papel na ito ng mga still ng dalawang panel ng nasabing obra. Gamit ang kabubuo lamang na boceto (sketch) ng nasabing obra at ang mural na Filipino Struggles through History (1964) ni Francisco, minapa ng papel na ito ang mga historikal na elemento ng nasabing dalawang panel. Ang historikal, rekonstruktibo, at deskriptibong papel na ito ay mahalaga sa kasaysayan ng Pilipinong sining, kritisismo ng modernong Pilipinong sining, usapin ng paggamit ng digital imaging bilang sangkap sa pananaliksik tungkol sa Pilipinong sining, konserbasyon at preserbasyon ng sining at iba pang pamanang kultural, at usapin ng sining bilang materyal panturo ng kasaysayang Pilipino.