"Hiyas At Haraya:” Ang Dinamika ng Kapital Mula sa Karanasan ng mga Mag-Aalahas sa Meycauayan, Bulacan
Abstract
Ang pag-aalahas sa Meycauayan, Bulacan ay nagsilbing isa sa mga industriyang pangkabuhayan bukod pa sa mga produktong yari sa katad (balat), mga gawang-kamay, at pagpapanday. Layunin ng papel na siyasatin ang pag-aalahas sa pamamagitan ng dinamika ng kapital ni Pierre Bourdieu at balangkasin ang sistema ng industriya sa pamamagitan ng value-chain process ni Michael Porter. Natuklasan sa pag-aaral na ito ang mga dominanteng naratibo ng kultural kapital gaya ng paglinang sa kaalaman at kasanayang pampag-aalahas, naratibo ng panlipunang kapital mula sa mga kamag-anak, kakilala, at kaibigan, at naratibo ng ekonomikal na kapital na nagsilbing kukunang-yaman ng mga kalahok sa pagsisimula at pagtataguyod ng industriya. Napag-alaman din ang mga naratibo sa link ng operasyon na kumakatawan sa kasanayang pamplatero at mananara. Ipinapakita sa pag-aaral na ito ang ugnayang kliyente-mag-aalahas at naratibo ng katanyagan na nakapagpapatibay ng ugnayan na ito. Sinusuri rin ang mga naratibo ng pagawa, remedyo, at pasadya na pangunahing bentahe ng mga kalahok sa kapanatilihan ng buhay na industriya ng makasaysayang pag-aalahas. Nagsilbing mahalagang kultural na praktika at ideolohiya ang mga ito tungo sa mas makabuluhang kalinangang pambayan at lokal na industriyang kaakibat ng isang makasaysayang lugar.