Panitikang Rehiyonal bilang Kaluluwa ng Bayan: Pagsusuri sa Nabubuong Imahen ng Bayan sa Modyul ng Filipino 7 ng Programang K to 12
Abstract
Ang Panitikang Rehiyonal ang tuon ng Araling Panitikan sa Grado 7 sa ilalim ng Programang K-12. Bilang isa sa mga unang baitang na nagpatupad ng programa, nakaranas ito ng iba’t ibang hamon, partikular sa pagbuo ng modyul o kagamitang panturo para sa mga mag-aaral. Makikita sa konteksto, distribusyon ng mga akda, at anyo ng modyul sa Filipino 7 na likha ng Kagawaran ng Edukasyon ang ilang sanhi ng umiiral na imahen ng bayan na taglay ng Araling Panitikan sa Grado 7. Bilang unang antas sa Junior High School, nakatuon ang pag-aaral ng Panitikang Rehiyonal sa pagkilala ng mga mag-aaral sa kaniyang sariling pangkat at rehiyon—isang paghahanda sa pag-aaral ng Panitikang Pambansa sa Grado 8. Sa papel na ito, itinumbas ang panitikang rehiyonal sa kaluluwa ng bayan na kinikilala at binubuo ng mag-aaral sa kabuoang danas niya ng Araling Panitikan sa Junior High School. Mula sa konteksto hanggang sa paglalatag ng mga aralin kung paano tatalakayin ang mga teksto, mababakas ang imahen ng bayan na umiinog sa tatlong dominanteng tema: (1) Ang kapwa Pilipino o bayan ang pangunahing suliranin ng indibidwal; (2) Ang solusyon sa suliranin ay ang pagiging mabuti, na nakalihis sa pagiging makatwiran; at (3) Ang bayan ay pinamamayanihan ng malalaking agwat ng kapangyarihan, kung saan ang bata ay nakalugar sa posisyong walang kapangyarihan.