Mga Kuwento ng Tabing: Ang Cybora Bilang Espasyo ng Pagtanggap at Abuso ng mga Trans Pinay (Stories of the Screen: The Cybora as Space of Acceptance and Abuse of Trans Pinays)
Abstract
Mayroong puwang sa pag-aaral tungkol sa prostitusyon kapwa sa porma at sa mga indibidwal sa loob nito. Layunin ng pag-aaral na ito na punan ang puwang sa talakayan tungkol sa prostitusyon sa pamamagitan ng pagtalakay sa danas ng mga trans Pinay sa loob ng cybora o cybersex prostitution gamit ang mga sumusunod na katanungan: (1) Paano hinaharaya ng mga trans Pinay ang kanilang mga sarili sa loob ng cybora o cybersex prostitution? at (2) Paano tinitingnan ng mga trans Pinay ang cybora o cybersex prostitution bilang espasyong kanilang ginagalawan? Sa pamamagitan ng semi-structured na mga panayam at thematic analysis umusbong ang tatlong tema. Para sa mga trans Pinay na nasa cybora, ang espasyong ito ay espasyo ng pagtanggap, espasyo ng abuso, at espasyo ng buhay. Naging tulay rin sa pagdalumat sa mga datos ang konsepto ng spatial triad (production of space) ni Henri Lefebvre. Para sa mga trans Pinay na nasa loob ng cybora, isang masalimuot at buhol-buhol na paglalakbay ang kanilang danas na bunga ng iba’t ibang karanasan ng pagtanggap at abuso – ito ang humubog sa kanilang buhay sa kasalukuyan.