Kasama, Bundok, Puno, Bato: Bakas ng Kamalayang Ekolohikal sa mga Tulang Pambansa-Demokratiko ng Pilipinas
Abstract
Ayon sa mga teorista ng rebolusyonaryong sining at panitikan ng Pilipinas, hindi magiging ganap ang pagsulong ng rebolusyong Pilipino kung hindi magkakaroon ng malawak na pagkamulat ang mamamayan. Habang marami na ang nagsalita tungkol sa panitikang pambansademokratiko, sa harap ng lumalalang krisis sa kalikasan sa ilalim ng labis-labis na produksiyon, mainam na balikan ang panitikan ng kilusang pambansademokratiko upang paunlarin ang akmang teorya at praktika sa pagharap sa hamon ng pandaigdigang pinsala sa ekosistema. Tulad ng gubat, ang teorya na gumagabay sa praktika ng PKP-BHB-PDPP ay nagbabago-bago batay sa materyal na kondisyon. Ibig mag-ambag ng pag-aaral na ito sa tunguhing pangkalikasan ng kilusan. Layong pag-aralan ng sanaysay na ito ang mga tulang inilimbag sa STR: Mga Tula ng Digmang Bayan sa Pilipinas (1989) bilang halimbawa ng panitikang pambansademokratiko na nagmumula sa sonang gerilya. Minumungkahi ng pag-aaral na ito na nagbubunsod ang mga piling tula sa STR ng puna sa dominanteng relasyon ng katauhan at kalikasan sa pamamagitan ng paglalahad ng mga karanasan ng mga pulang mandirigma sa kanayunan. Kung babasahin ang mga piniling tula sa balangkas ng materyalismong dayalektiko, makikita na ang paghulagpos ng mga makata tungo sa kabundukan at kagubatan ay isang proseso ng pagbabalik-loob sa ekosistema. Upang masilayan ang kamalayang ekolohikal ng pakikibakang ito, maaring unawain ang mga tula mula sa talong tema: Una, ang pag-angkop ng pulang mandirigma sa materyal na kondisyon ng tereyn; ikalawa, ang pagpupunyaging ihanay ang katauhan at kalikasan sa iisang dayalektikal na balangkas, o ang mismong natural na daloy ng buhay; at ikatlo, ang pagyari sa isang bisyon ng sosyalismo na tumatalima sa pagbabalik-loob ng katauhan sa ekosistema.