Pagpaplanong Pangwika sa Edukasyon at Pagtatáya sa Pagbuo ng Programang Pangwikang MTB-MLE
Abstract
Layunin ng papel na ito na gawan ng pagtatasa ang pagbuo ng programang pangwika ng DepEd na MTB-MLE. Sa partikular, tiniyak at tinaya ang mga salik na nakaapekto sa pagbuo ng programang pangwikang MTB-MLE.
Krusyal ang paglikha at pagpapatupad ng programang pangwikang MTB-MLE sapagkat binago nito ang matagal nang kalakaran na bilingguwal na patakaran sa edukasyon.
Sa pagtatasa ng mga salik na nakaimpluwensiya at nakaapekto sa pagbuo at pagpapatupad ng programang pangwikang MTB-MLE, inisa-isa ang historikal na konteksto, mga motibasyon, actors at agency, pang-edukasyon, pampolitika, at panlipunang tunguhin, at implementasyon na gumiya rito.
Itinakda ang MTB-MLE at isinabatas ang RA 10533 o mas kilala bilang K to 12 kung saan esensiyal na bahagi ang MTB-MLE. Itinakda ang MTB-MLE at ang K to 12 alinsunod sa programa ng UN na “Education for All.” Pagpapatupad rin ito ng 10- Point Education Agenda ng Pangulong Benigno Aquino III at bahagi ng kaniyang Philippine Development Plan na hindi rin tiwalag sa ASEAN Integration.
Napatunayan sa papel na iba’t ibang panloob at panlabas na salik ang nakaimpluwensiya sa mga desisyong sosyo-politikal at pang-ekonomiya sa bansa na nagkaroon ng malaking epekto sa sistema ng edukasyon at nagbunsod sa pagkakabuo at pagpapatupad ng programang pangwikang MTB-MLE at pagsasabatas ng RA 10533 o mas kilala bilang K to 12.