Mga Unang Pag-aaral Tungkol sa mga Maynor na Wika
Abstract
Malamang, dahil sa ang hilig ko ay apng pag-iiba ng wika, nakikita ko ang importansyang malaman kung anu-ano ang mga unang pag-aaral at impormasyon tungkol sa isang wika.
Sa mga unang pag-aaral, maaaring malaman ang mga istruktura o mga porma ng wika na maaaring nagbago na, lalo na sa istruktura ng tunog, ng mga salita, at ng kahulugan ng mga salita. Malalaman rin ang mga mahahalagang impormasyong historikal tungkol sa wika—kaylan nagkaroon ng mga pag-aaral tungkol sa wika at sino ang nag-abala tunkol rito. Lalong totoo ito sa mga wika ng mga minorya o mga tinatawag na maynor na wika na karaniwang hindi nabibigyan ng marapat na pansin.
Nalalaman na ng karamihan na labis sa isang daan ang iba’t ibang wika sa Pilipinas, at halos di mabilang ang mga dayalek o mga iba’t ibang anyo ng mga wikang ito. Ayon kay E. Constantino, 1971, may pitongpung malaking etnikong grupo rito, batay sa wikang ginagamit nila. Ayon rin sa kanya, ang walong wika ng mga nakakarami’y Tagalog, Sebuano, Ilokano, Hiligaynon, Bikol, Waray, Kapampangan at Pangasinan. Kaya masasabing maynor na wika ang lahat liban sa kababanggit pa lamang.